Lunes, Setyembre 13, 2010

NAIS NG ISANG MANUNULAT

ni Rowel C. Bejar

            Ika-4 ng Abril. Araw ng aking pagtatapos sa hayskul. Hindi ko maalis ang medalya na nakasabit sa aking leeg at hndi ko mabitiwan ang sertipiko at diplomang aking natanggap kahit na nasa labas na ako ng aking alma mater at pauwi na kami ni tatay sa bahay. Napakasaya ko at ganoon din ang nararamdaman ni tatay. E si nanay kaya? Sa palagay ko nama’y oo. Sumalangit nawa ang kaluluwa niya.
            Kinabukasan, ika-7 ng umaga, Ako’y nagising sa liwanag ng sikat ng araw na pumapasok mula sa maliit na bintana sa aking silid. Panandalian kong pinagmasdan mula roon ang kagandahan ng Brgy. San Isidro. Sana’y parati na lamang ganito; sana’y parati na lamang kasing-aliwalas ng sikat ng araw ang magiging hinaharap ko.
“Halika na anak, mag-almusal na tayo”, ang pasigaw na pagtawag sa akin ni tatay.
Agad akong lumabas ng aking silid at nagtungo sa aming hapag-kainan.
            “Tay, gusto ko sanang kumuha ng kursong Journalism, gusto ko sanang malinang pa ang talento ko sa pagsulat,” sabi ko pagkaupo namin.
            “E, saan mo naman balak mag-aral, anak?” ang tanong ni tatay.
            “Kung maaari po sana ay sa Maynila na lang, saka may paaralan doon na nagbibigay ng 50% discount sa mga editor-in-chief ng hayskul,” ang tugon ko.
            “Ah sa Maynila ba kamo? May boarding house doon ang Tiyo Franco mo, kapatid ng nanay mo, mabait iyon,” pangiting sabi ni tatay.
            Sandaling napahinto ang tatay, “Kung gusto mo, kakausapin ko siya ng sa gayon ay sa kanya ka na lang manunuluyan, alam kong aalagaan ka niya doon at hinding-hindi ka niya pababayaan,” ang habol ni tatay na may bakas ng kalungkutan sa kanyang mga mata.
“Hay naku, ‘tay!. Huwag na kayong malungkot, uuwi naman ako dito sa atin buwan-buwan kung sakaling doon na nga ako makikitira. Huwag niyo akong alalahanin,” sabi ko na may kumpyansa sa sarili ngunit sa loob ko’y may halong kalungkutan din
            Lumipas ang isa’t kalahating buwan. Naging matiwasay ang unang linggo ko sa boarding house ni Tiyo Franco. Kadalasan nga lang ay hindi talaga mawala ang tatay sa isip ko. Tunay ngang napakabait ni Tiyo Franco, kung asikasuhin niya ako ay para bang tunay niya akong anak.
            Isang gabi’y hindi ako makatulog sa malakas na tugtog na naririnig ko mula sa kabilang kuwarto. Sino kaya ang nasa loob ng kuwartong iyon?
            “Magandang gabi po! Kung maaari po sana ay pakihinaan ng tugtog, malalim na po kasi ang gabi,” ang pasigaw kong sabi mula sa pintuan ng kabilang kuwarto.
            Muli akong bumalik sa aking kuwarto at humiga, umaasang wala ng maririnig na malakas na tugtog. Ilang minuto ang lumipas at nagbago ang pinapatugtog ng taong nasa loob ng kabilang kuwarto. Mga love songs na maganda sa pandinig at nagdulot sa akin ng biglang pagkaantok. Sino kaya ang nasa loob ng kuwartong iyon?
            Kinabukasan pagkatapos kong mag-almusal ay tumungo ako kay Tiyo Franco upang magtanong.
            “Tiyo, sino po ba ‘yung nasa loob ng kabilang kwarto?” ang tanong ko.
            “Ah siya ba? Si Edwin, masmatanda siya sa iyo ng dalawang taon, tahimik lang ang taong iyon, pero mabait. Mahusay iyon sa Math. Sa kanya ka magpaturo kung sakaling may problema ka sa Math na hindi mo masagutan,” patawang tugon ni Tiyo Franco.
Unang araw ko na sa kolehiyo. Sadyang nanibago ako sa mga nakita ko at nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Nakakaasar nga lang sapagkat binigyan agad kami ng takdang-aralin ng mga professor namin. Kabilang doon ang sa Algebra. Hindi pa naman ako ganoon kahusay sa subject na iyon.
            Agad akong umuwi at tumungo sa kuwarto ni Kuya Edwin. May kaunting kaba sa aking dibdib dahil iyon ang unang pagkakataong makakausap ko siya.
            “Tao po! Tao po! Kuya Edwin, si Alfredo po ito, mula sa kabilang kuwarto.”
            Agad na binuksan ni Kuya Edwin ang pinto at naging maganda ang pagtanggap niya sa akin.
            “Kuya Edwin, nabanggit po kasi sa akin ni Tiyo Franco na mahusay daw kayo sa Math. Nais ko sanang magpatulong sa takdang-aralin ko. Para sa akin ay napakahirap nito.
            “Kung ganoon ay ikaw si Alfredo na naikuwento din sa akin ni Mang Franco, Maaari bang Fred na lang ang itawag ko sa’yo? Para kasing napakahaba ng Alfredo. Tungkol naman sa assignment mo, sige tuturuan kita. Sa susunod na magpapaturo ka ulit, kumatok ka lang,” pangiti niyang sabi.
            “Salamat po! Mabait nga pala kayong talaga. Kapag kailangan niyo naman ng makakakuwentuhan, kumatok lang din kayo sa kuwarto ko,” ang masayang tugon ko.
            Nakatagpo ako ng matalik na kaibigan sa katauhan ni Kuya Edwin. Sa madalas na pagkukuwentuhan nami’y natuklasan kong marami kaming pagkakapareho Napansin ko nga lang na napakaseryoso niyang tao, na para bang may dinadala siya sa loob niya na ayaw niyang ibahagi sa akin.
            Isang gabi’y nag-aayos ako ng aking mga gamit kabilang ang mga isinulat ko noong hayskul ng biglang kumatok si Kuya Edwin.
            “Fred, maaari bang tumuloy?” wika niya.
            “Sige po, tumuloy kayo,” ang tugon ko.
            “Abala ka pala sa pag-aayos d’yan, tutulungan na nga kita para maaga kang matapos.”
            “Mabuti pa nga, salamat.”
            Matapos ang ilang sandali ay natahimik si Kuya Edwin.
            “Ikaw ba ang gumawa nito Fred? Hindi mo pa nalalagyan ng pamagat?” ang bigla niyang tanong sa akin.
            “Ah oo, ginawa ko ang nobelang hawak mo. Sa totoo lang ay hindi ko talaga alam kung ano ang ipapamagat ko riyan. Isa pa, sa akin ay hindi iyan ganoon kaganda, palibhasa’y unang beses kong sumulat ng isang nobela,” paliwanag ko. Pero sa totoo lang, nais ko talagang mabasa at makilala ng maraming tao ang mga isinulat ko.
            “Para sa akin ay maganda ang nobelang ito, maaari bang sa akin na lang ito? At least mayroon ng isang nagkagusto at bumasa ng nobela mo,” pagpupumilit niya sa akin.
            “Sige na nga, ipagpalagay na lang nating kabayaran iyan sa lahat ng naitulong mo sa akin, akin na at pipirmahan ko, remembrance ko iyan sa iyo ah,” ang tugon ko.
            “Salamat, huwag kang mag-alala, iingatan ko naman ito,” tugon naman niya.
            Natapos ang pag-aayos namin ng aking mga gamit. Nakakapagod. Ilang oras din kaming nagkuwentuhan. Sa kuwarto ko na nga siya nakatulog.
            Linggo ng umaga. Halos sabay kaming nagising. Kinuha niya ang nobelang ibinigay ko, nag-ayos ng kaunti at bumalik sa kanyang kuwarto. Matapos ang ilang oras ay nagpaalam siya sa akin sapagkat may kailangan siyang puntahan.
            Nang sumapit ang gabi’y ako naman ang tumuloy sa kanyang kuwarto at doon kami’y nagkuwentuhan. Naging madalas ang masasaya at malulungkot naming kuwentuhan. Naging paulit-ulit ang ganoong pangyayari sa pananatili ko sa  aking Tiyo.       Lumipas ang halos dalawang taon. Wala namang naging problema sa aking pag-aaral, nagpatuloy ang magandang pakikitungo namin ni Kuya Edwin sa isa’t isa. Buwan-buwan pa rin akong dumadalaw sa aking ama gaya ng aking naging pangako.
            “Alfredo! Alfredo! Halika dito’t may tawag ka sa telepono. Mula daw sa isang ospital malapit sa baranggay niyo,” pasigaw na sabi ni Tiyo Franco.
            “Opo, sandali lang po,” ang siya namang tugon ko na may nadaramang kaba sa dibdib. Hindi ko alam kung bakit.
            “Hello!”
            “Hello! Magandang umaga! Si Dr. Cruz ito. Ikaw ba ang anak ni G. Anthony Gonzales?”
            “Ako nga po, Alfredo Gonzales po,” ang pautal kong tugon.
            “Huwag ka sanang mabibigla, ang iyong ama ay pumanaw na buhat ng siya ay dalhin dito sa ospital. Siya’y nasagasaan ng rumaragasang truck ‘di kalayuan mula sa inyong baranggay.
            “Ha? Ano po? Hindi, hindi po iyan maaari! Paanong…Hindi! Hindi puwedeng…”
            Agad-agad akong nagtungo sa ospital na pinagdalahan sa aking ama at, doon nga’y napatunayan kong pumanaw na siya. Isang napakasamang balita. Hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko ngayong wala na siya.
            Anim na araw ang lumipas. Inayos ni Tiyo Franco ang lahat ng kailangan sa pagpapalibing sa aking ama. Hanggang sa mga sandaling iyon ay para bang wala na ako sa aking sarili. Nagpapasalamat ako sa mga nakadalo sa kanyang libing lalo na kay Kuya Edwin na kahit masama ang pakiramdam ay pinilit pa ring makapunta.
            Mula sa araw na iyon ay marami ang nagbago. Napabayaan ko na ang pag-aaral ko, hindi ko na nga rin alam kung maipagpapatuloy ko pa ang pag-aaral ko. Wala na si tatay na siyang tumutustos sa pag-aaral ko. Wala na ang scholarship ko. Paano na kaya ang mga pangarap ko?
            “Fred, ano na ba ang nangyayari sa iyo?” ang bungad ni Kuya Edwin nang bigla siyang pumasok sa aking kuwarto.
            “Hindi pa katapusan ng mundo sa pagpanaw ng iyong ama, huwag mong hayaang sirain ng trahedyang iyon ang hinaharap mo,” dugtong niya.
            “Wala ka ng pakialam doon! Puwede bang iwan mo na lang ako?” pagalit kong tugon sa kanya. Hindi ko lubos-maisip na nagawa kong sabihin iyon sa kanya. Humingi ako ng tawad ngunit hindi niya pinansin. Lumabas siya agad ng aking kuwarto.
            Hindi ako makatulog. Gulung-gulo ang isip ko, para sa aki’y nawala na ang lahat. Samantala’y patuloy kong naririnig ang sunud-sunod na pag-ubo ni Kuya Edwin. Nakakapagtaka na rin ang ubo niyang iyon. Ilang buwan na rin iyon. At pansin ko’y lumalala na iyon. Ano na kaya ang nangyayari sa kanya?
Kinaumagahan habang kami’y nag-aalmusal, “Tiyo Franco, nakita niyo po ba si Kuya Edwin?” ang tanong ko sa aking Tiyo.
            “Hindi ko nga siya nakitang lumabas ng kuwarto eh, hindi pa rin siya kumakain. Pakipuntahan mo nga siya,” ang tugon naman niya sa akin.
            Agad akong tumungo sa kuwarto niya, tinawag ko siya ng maraming beses ngunit hindi siya sumagot. Kaya nama’y pumasok na ako sa kanyang kuwarto at nagulat sa nakita ko. Ang kanyang walang malay na katawan ay nakahandusay sa sahig at puro dugo.
            “Tiyo Franco! Si Kuya Edwin po!” malakas kong sigaw.
            Agad pumunta si Tiyo Franco sa kuwarto at dinala si Kuya Edwin sa pinakamalapit na ospital. Ngunit huli na ang lahat. Ang Kuya Edwin ay wala ng buhay.
            Ang kanyang mga kamag-anak ay dumalo sa kanyang libing. Napakalungkot. Hindi man lamang kami nagkaayos ni Kuya Edwin.
            Pagkauwi namin ni Tiyo ay isag lalaki ang sumalubong sa amin.
            “Magandang tanghali! Ikaw ba si Alfredo Gonzales? Ako nga pala si Bernardo Almeda mula sa Almeda Publishing House,” bungad niya.
            “Ako nga po. Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” ang tugon ko.
            “Binabati kita at ang nobela mo ang napili namin sa aming patimpalak! Sadyang napakaganda ng iyong nobela!”
            “Nobela? Anu pong pamagat? Pero…” pagtataka ko.
            “Nais ng Isang Manunulat. Iyon ang pamagat ng nobela mo. Hindi mo ba natatandaan? Kasama pa nga doon ang lagda mo. Heto at tignan mo,” pangiti niyang tugon.
            Saka ko naalala ang nobelang ibinigay ko kay Kuya Edwin. Siya ang nagbigay ng pamagat dito. Ipinasa niya ang orihinal na manuskrito nito na may kasamang lagda ko. Iyon ang nobelang inakala kong wala ng saysay. Nakita ni Kuya Edwin ang kagandahan nito. Nang dahil dito naging maayos muli ang aking buhay. Sila na ang sumagot sa pag-aaral ko sa kolehiyo hanggang makatapos ako. Isa itong malaking biyaya. Ang akala ko, ang pangarap ko’y hindi ko na matutupad. Ang lahat ng ito’y utang ko sa aking matalik na kaibigan.
            Lumipas ang dalawang taon. Matapos ang aking graduation ay nagtungo ako sa puntod ni Kuya Edwin. Gumawa ako ng maliit na hukay at doo’y ibinaon ko ang orihinal na manuskrito ng aking nobela. Noo’y inakala kong ang aking pangarap ay mananatiling isang pangarap na lamang. Ngunit ngayon ang pangarap na iyon ay abot-kamay ko na. Natupad na ang nais ko, ang nais ng isang manunulat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento